Monday, July 22, 2013

Opisyal na Panig ng UP Variates sa Isyu ng Brain Drain



Kamakailan lamang isa na namang mataas na opisyal ng Philippine Athmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAG-ASA) ang bumaba ng kanyang puwesto. Isang dahilan na kanyang nabanggit niya ay ang pangingibang bansa upang magturo. Isa raw itong magandang oppurtunidad para sa kanya lalo na't nasa kolehiyo na ang kanyang panganay. Hindi rin nalalayo dito ang dahilan ng limang iba pang matataas na opsiyal na nagbitiw sa kani kanilang mga pwesto.

Ang mga ganitong pangyayari ay hindi na bago sa ating kamalayan. Isa lamang si G. Nathaniel Servando sa mga libo-libong Pilipino na araw-araw umaalis ng bansa upang maghanap ng mas magandang opurtunidad sa ibayong dagat na para sa kanilang pamilya.

Ayon sa NSO, noong 2011 mayroong 2.2 milyon na Overseas Filipino Workers (OFWs). Ang pag-alis ng bansa upang maghanap ng mas magandang kapalaran ay isang pangkaraniwang dahilan ng mga ganitong larawan sa pamilyang Pilipino.

Ang mga kaganapang ito ay tinatawag ng mga eksperto na brain drain. Ayon kay Dodani (2005), ito ay ang pagpunta sa ibang bansa ng mga bihasang mangagawa at propesyonal upang humanap ng mas magandang buhay o mas mataas na sahod.

Hindi natin mapipigilan ang isang tao na mag-asam nang isang mas magandang buhay. Karaniwang nakakapanghikayat ay ang mas mataas na sahod sa ibang bansa (minsan, umaabot sa anim na beses ang laki kumpara dito sa atin).

Ang kakulangan sa lakas paggawa, propesyonal ay ang mga dulot ng brain drain. Kung ating iisipin, ang tao ay isang kapital na kung saan ang bawat isa sa kanila ay tumutulong sa pagpapalago ng ating ekonomiya.

Noong 2008, sa isang pag-aaral ng Kagawaran ng Paggawa at Empleyo, napansin na bagamat malaki ang suplay ng ating lokal na manggagawa, marami pa ring posisyon ang hindi mapunan dito sa ating bansa dahil sa kakulangan ng kanilang kasanayan sa mga trabahong kailangan.

Isang paraan na maaaring gamitin ng ating gobyerno ay ang pagpapatupad ng direktiba na nagsasaad ng bilang na panahon na dapat gugulin ng isang Pilipino sa pagbibigay ng serbisyo para sa bayan. Ang mga iskolar ng DOST ay kinakailangang magtrabaho muna sa ating bansa katumbas ng taong pinag-aral sila ng kagawaran sa parehong haba ng taon. Ang DENR naman ay nag-o-offer ng mga scholarship para sa mga kursong geology na kung saan ang mga nagtapos nito ay pumasok sa gobyerno ng apat na taon sa kada isang taon na pagpapa-aral sa kanila ng ahensya. Ngunit, ito’y hindi magiging sapat na solusyon.

Sa isang banda, may magandang naitutulong ito (brain drain). Ang mga perang pinapadala ng mga taong nag-abroad ay lubhang nakakatulong sa ating ekonomiya. Idagdag pa natin na ang kanilang mga kagalingan ay mas nakikilala sa ibang bansa. Huli, ang mga walang trabaho sa bansa nakakakuha ng trabaho at sinasabi nito ang kanyang kapakinabangan. Ngunit kung susumahin ang mga ito, sa bandang huli, tayo pa rin ang talo.

Patuloy pa rin ang pag-alis ng ating mga kababayan para sa magandang kinabukasan na hindi kayang ipagkaloob ng kanyang minamahal na bansa. Hindi nila gusto, para sa ilan, ang paglisan sa kanilang bansang sinilangan ngunit wala silang magagawa kundi yakapin ang masakit na katotohanan.

Bagamat tila ito'y isang problemang walang konkretong solusyon, ang ating gobyerno ay tila hindi gumagawa ng kahit na anong hakbang para mapigilan ang suliraning ito. Isang pagpapatunay dito na hindi nababahala ang administrasyon ni Pangulong Aquino sapagkat ayon sa kanila lima lang naman daw ang umalis sa ahensya (ng PAG-ASA) simula noong 2000 matapos maibalita na umabot na sa 22 ang naiulat mula 2005 hanggang 2011. Ito ay lubhang nakakabahala.

Bilang iskolar ng bayan, nararapat na tayo'y dapat maging huwaran at tunay na maglingkod sa ating sinilangang bayan na siyang nag-aruga sa atin hanggang sa kasalukuyan. Ang pagtapak sa lupa ng mga dayuhan upang kumita ng mas mataas na suweldo ay hindi dapat natin isinasaisip. Bagkus ay gamitin natin ang ating nalalaman upang hubugin ang mga mamamayan patungo sa tamang landas. Maging ehemplo tayo sa mga tao at iparating ang kahalagahan ng damdaming makabansa. Ipabatid sa gobyerno ang kanilang pagkukulang sa kanyang mamamayan. Kilos mga kapwa Iskolar ng Bayan para sa isang bansang pantay at kaaya-aya.


Basahin mula sa aming Facebook Page

0 comments:

Post a Comment